May 19, 2024

WELDER TINAMNAN  NG TINGGA SA ULO

DEDBOL ang isang welder matapos malapitang barilin sa ulo ng hindi kilalang suspek na sakay ng isang bisikleta sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Agad binawian ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo ang biktimang si Richard Sabanal, 41, fitter welder ng 98 Quintos St., Brgy. San Jose ng lungsod.

Sa ulat ni PCpl Florencio Nalus kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-4:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa harap ng San Jose Church sa kahabaan ng M. Naval St., Brgy. San Jose.

Batay sa pahayag sa pulisya ng isang vendor na nakasaksi sa insidente, nagtitinda siya ng lumpia sa naturang lugar nang makita niya ang suspek habang naglalakad sa likod ng biktima na armado ng baril saka malapitang binaril sa likod na bahagi ng ulo si Sabanal.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek na nakasuot ng waway hat, blue t-shirt at brown maong shorts sakay ng isang Japanese bicycle habang naiwan naman ang duguan at walang buhay na katawan ng biktima.

Ipinag-utos na ni Col. Ollaging sa kanyang mga tauhan ang follow up imbestigasyon para sa posibleng pagkakaaresto sa suapek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa pagpatay sa biktima.