Pormal nang inihain nitong Lunes ang dalawang magkahiwalay na impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa Office of the Secretary General ng Kamara de Representantes.
Ang unang reklamo ay pinangunahan ng Makabayan Coalition at inendorso ng Makabayan bloc sa Kamara.
Ayon kay dating ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, ang kanilang reklamo ay nakasentro sa umano’y “betrayal of public trust” ng bise presidente, partikular na ang kontrobersyal na paggamit ng confidential funds na naging paksa ng mga pagdinig sa ika-19 na Kongreso.
Binigyang-diin din ni dating Gabriela Rep. Arlene Brosas na layunin ng reklamong ito na panagutin ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
“Kung kurap ang pinakatuktok, kurap din ang pangalawang nasa tuktok, dapat lang ma-impeach,” pahayag ni Brosas.
Kasama rin sa mga naghain si dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.
Ilang minuto matapos ang unang grupo, dumating naman sina Kiko Aquino Dee, dating peace process adviser Ging Deles, at Father Flavie Villanueva para maghain ng ikalawang impeachment complaint.
Ang reklamong ito ay inendorso nina ML Party-list Rep. Leila de Lima at Akbayan Rep. Percy Cendaña.
Sa panig ni Duterte, sinabi niya noong nakaraang linggo mula sa The Hague, Netherlands, na nakahanda na ang kanyang legal team para harapin ang mga reklamong ito.
Matatandaang noong Enero 29, ibinasura ng Korte Suprema nang may “finality” ang apela ng Kamara na baligtarin ang desisyong nagdeklara sa naunang impeachment (noong 2025) bilang unconstitutional dahil sa paglabag sa “one-year bar rule.”
Sa ilalim ng Saligang Batas, hindi maaaring sampahan ng higit sa isang impeachment case ang isang opisyal sa loob ng isang taon.
Ngayong lumipas na ang nasabing panahon, muling binuksan ng mga kritiko ang pintuan para sa panibagong proseso ng pagpapatalsik.
