Pumalo na sa mahigit P19 trillion ang kabuuang utang ng pamahalaan ng Pilipinas noong Hunyo, kung saan mas maaga nitong nalampasan ang mismong year-end projection ng administrasyong Marcos ngayong taon.
Batay sa datos ng Bureau of the Treasury (BTr) na inilabas ngayong Huwebes, umakyat sa panibagong rekord na P19.07 trillion ang pambansang utang matapos itong tumaas ng 2.8 porsyento kumpara noong Mayo, at 10.4 porsyento naman kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang panibagong tala ng utang ay mas mataas na kumpara sa mismong pagtaya ng gobyerno na lalabas sanang P19.06 trillion ang kabuuang utang bago matapos ang taong 2026.
Simula noong pumasok ang taon, lumobo na ng halos P1.4 trillion o 7.7 porsyento ang pambansang utang. Ayon sa BTr, ang pagtaas na ito ay dulot ng patuloy na pagpondo sa mga fiscal agenda at financing programs ng pamahalaan upang mapunan ang budget deficit ng bansa.
Nananatiling ang domestic debt o utang sa loob ng bansa ang may pinakamalaking sakop na umaabot sa humigit-kumulang dalawang-katlo ng kabuuang pambansang utang matapos itong tumaas ng 2.7 porsyento kumpara noong Mayo at umabot sa P12.84 trillion.
Nakapaglikha ang gobyerno ng net proceeds na P342.93 billion mula sa lokal na merkado sa loob lamang ng isang buwan, habang nakatulong naman ang paglakas ng piso upang mabawasan ng humigit-kumulang P600 million ang halaga ng mga dollar-denominated domestic bonds ng bansa.
