May 14, 2024

Tulak patay sa buy-bust sa Malabon


Sinisiyasat ng mga tauhan ng NPD-SOCO ang mga narekober na ebidensya sa crime scene kabilang ang isang cal. 38 revolver, 5 plastic sachets ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia mula sa suspek na si Arnel Rabot na napatay matapos makipagbarilan sa pulisya.
RIC ROLDAN

Patay ang isang hinihinalang drug pusher matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng buy bust operation laban sa kanya sa Malabon city, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Joel Villanueva ang namatay na suspek si Arnel Rabot, 23 ng No. 21 Interior, Brgy. Potrero.

Ayon kay Col. Villanueva, dakong 3 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joseph Alcaraz ng buy bust operation kontra sa suspek sa kanyang bahay.

Nagawang makapagtransaksyon ni PSSg Sembrero na nagpanggap na poseur-buyer sa suspek subalit, nakatunog umano si Rabot na pulis ang kanyang katransaksyon.

Kaagad bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang poseur-buyer na naging dahilan upang mapilitang gumanti ng putok ang back up na operatiba na si PCpl Cabrera III na nagresulta ng kamatayan ni Rabot.

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang isang cal. 38 revolver na kargado ng tatlong bala, isang missed fire, dalawang fired cartridges, limang plastic sachets ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalias.