June 21, 2024

‘Tulak’ nabingwit sa Navotas buy bust

SWAK sa selda ang isang lalaki na sangkot umano sa pagtutulak ng illegal na droga matapos kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforecment Unit (SDEU) hinggil sa umano’y pagbebenta ng droga ni alyas Jimmy, 51 na residente ng lungsod kaya isinailalim nila ito sa validation.

Nang makumpirma na positibo ang ulat, ikinasa ng SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Genere Sanchez ang buy bust operation kontra sa suspek kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa kanya ng P500 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong ala-1:05 ng madaling araw sa Dalagang Bukid St., Brgy. NBBS Dagat-dagatan.

Ani Capt. Sanchez, nakumpiska nila sa suspek ang nasa 4.32 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P29,376.00 at buy busy money.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.