January 27, 2025

Tulak kalaboso P380K shabu sa Navotas

NASAMSAM ng pulisya ang halos P.4 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng pulisya sa isang listed drug pusher matapos matimbog sa isinagawang buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang naarestong suspek na si Ian Apaap alyas “Kogan”, 35, fisherman ng 442 R. Domingo St., Brgy. Tangos North.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Cortes na dakong alas-11:45 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ni P/Cpt. Genere Sanchez, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang suspek sa drug operation sa M. Naval St., Brgy. Tangos North matapos bentahan ng P12,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 56 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P380,800, at buy bust money na isang P1,000 bill, kasama ang 11-pirasong P1,000 boodle money.

Ayon kay Col. Cortes, nag-ugat ang pagkakaaresto kay Apaap matapos makumpirma ng SDEU ang ulat na ibinunyag sa kanila ng isang Regular Confidential Informant (RCI) hinggil sa umano’y pamamayagpag ng pangalan ng suspek sa pagbebenta ng illegal na droga sa lungsod.

Ani PSSg Eldefonso Torio, kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at 11 (Possession of Dangerous Drug), Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isasampa nila laban sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)