May 17, 2024

Tulak arestado sa P100K shabu

BAGSAK sa kulungan ang isang tulak ng illegal na droga matapos matimbog ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District (NPD) chief P/Major Dennis Odtuhan ang naarestong suspek na si Glenn Mahinay, 38 ng Purok 4, Bagong Sibol, St., Barangay Pulang Lupa, Valenzuela City.

Ayon kay Odtuhan, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU ng buy bust operation sa Lugmok St., Brgy. 165, Caloocan City matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta ng shabu si Mahinay.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba si Mahinay matapos bentahan ng P10,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska kay Mahinay ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P102,000.00, at buy bust money na isang tunay na P500 bill at 10-pirasong P1,000 boodle money.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.