May 18, 2024

TRICYLE DRIVER PATAY SA PAMAMARIL SA PASAY

PATAY sa pamamaril ang isang tricycle driver sa Sanchez St., Brgy 84, Pasay City kagabi.

Sa report ng Pasay City Police, sunod-sunod na pinapaputukan sa ulo at katawan ng nakabisikletang suspek ang biktimang si Ricardo Sta Ana habang sakay ng kanyang tricycle.

Nang makita ng suspek na sumubsob sa manebela ng tricycle ang biktima ay agad itong tumakas sakay ng kanyang bisikleta.

Makikita sa cctv camera na nakasalubong ng biktima ang suspek sa Sanchez St., patungo ng Taft Ave sa Pasay.

Posibleng umanong onsehan sa droga ang motibo sa pamamaril sa biktima.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng kalibre 45 ng baril. Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa posibleng motibo sa pamamaril at pagkakilanlan ng suspek. (RUDY MABANAG)