December 21, 2024

Tricycle driver tiklo sa P170K shabu sa Valenzuela

SWAK sa kulungan ang 45-anyos na tricycle driver na sideline umano ang magbenta ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng umano’y shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang naarestong suspek na si Allan Santos, 45 ng Santos Compd. Bukid, Brgy. Malinta.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Destura na dakong alas-3:00 ng madaling nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PCPT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa M H Del Pilar, Brgy. Malanday matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta umano ng shabu ang suspek.

Kaagad pinosasan ng mga operatiba ang suspek matapos bintahan ng P8,500 halaga ng umano’y shabu ang isang pulis na nagsilbing poseur buyer.

Ani PSSg Ana Liza Antonio, nakumpiska sa suspek ang himigi’t kumulang 25 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P170,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang dalawang P1,000 at 12-pirasong P500 boodle money, P200 recovered money, cellphone at isang motorsiklo.

Pinapurihan naman ni BGen Peñones ang Valenzuela CPS sa kanilang masigasig na kampanya kontra illegal drugs na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.