May 17, 2024

TRICYCLE DRIVER SINAKSAK SA BIRTHDAY PARTY

NASA kritikal na kalagayan ang isang tricycle driver matapos saksakin ng kanyang nakaaway sa isang inuman sa birthday party sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa likod ang biktimang si Mark Joseph De Guzman, 33, ng 10 Nadala, Merville Subd. Brgy. Dampalit.

Pinaghahanap naman ngayon ng mga pulis ang suspek na kinilalang si Jhon Carlo Arcebal, 25, delivery boy ng J Cenceo, Merville Subd. na mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.

Sa imbestigasyon ni PCpl Renz Marlon Beniquid at PCpl Archie Beniasan, imbitado ang biktima sa birthday party ng kapatid ng suspek na si Mark Arcebal sa kanto ng J Cancio at R Diaz Sts.

Habang nag-iinuman alas-12:15 ng gabi nang mauwi sa pagtatalo ang biktima at ang suspek sa hindi malaman na dahilan kaya’t agad pumagitna si Mark saka inawat ang dalawa bago hinimok si De Guzman na umuwi na lamang. Gayunman, sinundan ito ng suspek na armado ng patalim saka sinaksak sa likod bago tumakas habang isinugod naman ang biktima ng rumespondeng barangay tanod sa naturang pagamutan.