May 4, 2024

Tricycle driver, itinumba ng riding-in-tandem sa Caloocan

PATAY ang isang tricycle driver matapos pa-traidor na pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kaagad binawian ng buhay sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Jesus Gualvez, Jr, 44 ng Phase 5, Package 5, Package 5, Block 33 Brgy. 176, Bagong Silang.

Sa tinanggap na report ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta, papasakay pa lamang ang biktima sa kanyang tricycle dakong alas-7:30 ng gabi sa Phase 5A, Package 3 Bagong Silang nang lapitan ng isa sa dalawang suspek at binaril ng malapitan sa likurang bahagi ng ulo na nagresulta sa agaran niyang kamatayan.

Matapos ang pamamaril, kaagad sumakay ang suspek na nakasuot ng itim na jacket sa naghihintay na motorsiklong minamaneho ng kanyang kasabwat at mabilis na tumakas patungo sa hindi na matukoy na direksyon.

Sinabi ni P/Cpl. Bayani Auditor, Jr., may hawak ng kaso, kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 13 sa pangunguna ni P/Maj. Amor Cerillo subalit bigo silang madakip ang mga salarin habang nabawi naman sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo ng bala ng kalibre .9mm na baril.

Ayon pulisya, mayroon na silang mga persons of interest na posibleng may kinalaman sa krimen habang inaalam pa kung may kaugnayan sa illegal na droga ang motibo sa insidente dahil dati na umanong nasangkot sa illegal drugs ang biktima.