
MARIKINA CITY — Matapos ang ilang araw ng pagkaantala, pormal nang naiproklama si dating Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro bilang kinatawan ng 1st District ng Marikina City nitong Martes, Hulyo 1, sa kabila ng mga reklamo laban sa umano’y pagpigil ng lokal na Commission on Elections (Comelec) na iproklama siya agad.
Nanumpa si Teodoro sa tungkulin sa Marikina Hall of Justice sa harap ni Regional Trial Court (RTC) Branch 273 Judge Romeo Dizon Tagra, ilang oras matapos mag-convene ang City Board of Canvassers (CBOC) ng Comelec Marikina para sa kanyang opisyal na proklamasyon.
Una nang binatikos ni Teodoro ang Comelec Marikina sa umano’y “arbitrary” at walang basehang pagkaantala ng kanyang proklamasyon, kahit may pinal na resolusyon na mula sa Comelec en banc na nagre-reinstate sa kanyang kandidatura.
“Napaka-arbitrary. Wala kaming makitang lohikal na dahilan kung bakit ayaw nilang mag-convene. Ang sinasabi nila kailangan pa raw ng hiwalay na utos mula sa Comelec en banc, pero sa totoo lang sapat na ang certificate of finality para magproklama,” giit ni Teodoro sa panayam ng media.
Ayon kay Teodoro, ang hindi agarang pagproklama ay hindi lang aniya nakaapekto sa kanyang personal na katayuan kundi pati na rin sa buong distrito na kanyang kinakatawan.
“Unnecessary ‘yung delay. Hindi lang ito tungkol sa akin—apektado ang serbisyo para sa distrito.”
Inanunsyo rin ni Teodoro na magsusumite ang kanyang kampo ng administrative complaint at kasong grave abuse of discretion laban sa lokal na election officer sa Office of the Ombudsman.
Batay sa 38-pahinang resolusyon ng Comelec en banc na ipinahayag noong Hunyo 25, pinaboran ang consolidated motions for reconsideration ni Teodoro at binaligtad ang naunang desisyon ng First Division noong Disyembre 11, 2024, na nagkansela sa kanyang certificate of candidacy (CoC).
Nilinaw din ng Comelec en banc na ang kanilang resolusyon ay pinal at may bisa na, dahil hindi ito hinarang ng Korte Suprema sa loob ng limang araw mula nang ito’y mailabas.
Sa kabila ng kontrobersya, tiniyak ni Teodoro sa kanyang mga taga-suporta na agad siyang magtatrabaho para sa kapakanan ng mga taga-Marikina, bitbit ang panibagong mandato para sa Kongreso.
