
MANILA — Bilang bahagi ng kampanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para tiyakin ang pananagutan sa mga serbisyo ng pamahalaan, isang empleyado ng Land Transportation Office (LTO) sa Samar ang pansamantalang sinuspinde ng 90 araw dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pekeng rehistrasyon ng isang sasakyan.
Sa utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ipinag-utos ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang preventive suspension laban sa isang supervising transportation regulation officer sa Catbalogan City, matapos ang reklamong inihain ng isang babaeng may-ari ng sasakyan noong Enero ngayong taon.
Ayon kay Asec. Mendoza, ang suspensyon ay may kaugnayan sa mga kasong administratibong Gross Neglect of Duty at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Batay sa reklamo, ang nasabing opisyal umano ang nagproseso ng iligal na transfer of ownership ng isang sedan. Isinumite ng complainant ang mga dokumento mula sa LTO na nagpapakitang pekeng transaksyon ang isinagawa.
“Considering that your position affords you the opportunity to exert undue influence or pressure on potential witnesses and tamper with evidence… you are hereby placed under preventive suspension for a period of ninety (90) days,” ayon sa suspension order na nilagdaan ni Asec. Mendoza.
Inihain ang kaso sa Office of the Ombudsman, na kalauna’y inilipat sa LTO para sa masusing imbestigasyon.
“The case is under investigation and we assure the public that we will not tolerate this illegal activity—if it is true. We will ferret out the truth on this matter,” giit ni Mendoza.
Habang isinusulong ni Asec. Mendoza ang mga reporma para itaas ang morale ng mga empleyado ng ahensiya, kabilang ang regularisasyon ng mga contractual workers, ay mahigpit naman niyang pinapanagot ang mga tiwaling kawani.
Sa nakalipas na dalawang taon, ilang opisyal at empleyado na ng LTO ang nasuspinde o nasibak sa gitna ng patuloy na kampanya laban sa mga gumagawa ng iregularidad, kabilang ang mga nakikipagsabwatan sa mga fixer.
