May 3, 2024

TECHNICIAN GRINIPUHAN NG NAKAALITANG KAPITBAHAY

Todas ang isang technician matapos saksakin ng kapitbahay makaraan ang mainitang pagtatalo hinggil sa kanilang matagal na alitan sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Hindi umabot ng buhay sa Navotas City Hospital sanhi ng tinamong saksak sa dibdib ang biktimang si Allan Baldres, 45 ng 7-T Gabriel St., Brgy. Sipac Almacen.

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang ang suspek na kinilalang si Leonardo Pineda alyas “Itlog”, 55, construction worker ng No. 13 P Gabriel St., Brgy. Sipac Almacen.

Sa report ni PCpl Dandy Sargento kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-9 ng gabi nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek sa Gabriel St., Brgy. Sipac Almacen hinggil sa matagal na nilang alitan hanggang sa mauwi ang mga ito sa suntukan.

Nang hatawin ng biktima ng kahoy ang suspek sa kaliwang balikat ay kumuha si Pineda ng ice pick at dalawang beses na sinaksak sa dibdib si Baldres.

Matapos ang insidente, mabilis isinugod ang biktima ng kanyang mga kaanak sa naturang pagamutan habang naaresto naman ang suspek ng rumespondeng mga barangay tanod at narekober sa kanyang ang ginamit na ice pick sa pananaksak.