May 3, 2024

Taxi driver itinumba ng riding-in-tandem

PATAY ang isang taxi driver matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang mga suspek na sakay ng isang mosotriklo sa Malabon City, kahapon ng umaga.


Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, kaagad binawian ng buhay sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa katawan ang biktimang si alytas “Ricky”, 44, taxi driver.


Sa inisyal na imbestigasyon nina PSSg Jeric Tindugan at PSSg Allan Bermejo, sakay ang biktima sa kanyang minamanehong taxi habang binabagtas ang kahabaan ng Waling-Waling Road, Brgy. Potrero.


Pagsapit sa kanto ng Industry Road sa nasabing barangay dakong alas-10:40 ng umaga ay dinikitan ang biktima ng mga suspek na magkaangkas sa isang itim na motorsiklo at dalawang beses na pinaputukan na nagresulta ng kanyang kamatayan.


Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Malabon police subalit, nabigo sila na maaresto ang mga salarin.


Ayon kay Col. Baybayan, posibleng may kinalaman sa droga ang nangyaring pamamaslang matapos makuha sa loob ng minamanehong taxi ng biktima ang ilang drug paraphernalia at isang weighing scale na ginagamit na panukat sa pagbebenta ng shabu.


Natuklasan din ng pulisya sa isinagawang background investigation sa biktima na nakasuhan na siya noong taong 2017 at 2020 sa San Mateo, Rizal na may kinalaman sa ilegal na droga.


Sinusuri na ng pulisya ang kuha ng mga nakakabit na CCTV camera sa lugar na posibleng makatulong upang matukoy ang pagkakilamlan ng mga salarin.