May 3, 2024

Biyudo na lolo itinuring na kapamilya… NENE MINOLESTIYA

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 82-anyos na biyudo matapos molestiyahin ang 13-anyos na batang babae na miyembro ng pamilyang nag-alaga at nagpapakain sa kanya sa Valenzuela City.

Agad iniutos ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr. sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ang pagsasampa ng kasong rape through sexual assault na may kaugnayan sa R.A. 11648 o ang Act Providing for Stronger Protection Against Rape and Sexual Exploitation and Abuse, Increasing the Age for Determining the Commission of Statutory Rape sa biyudo.

Ayon kay Col. Destura, nagso-solo na sa buhay at walang mga kaanak ang suspek at dahil malapit siyang kaibigan ng pamilya ng biktima, sila na ang nangalaga at nagbibigay ng pagkain sa matanda.

Dinalhan ng pagkain ng biktima ang suspek subalit, bago makaalis ang bata ay pinapasok siya sa loob ng bahay ng matanda dahil may ibibigay umano sa kanya para naman sa kanyang pamilya.

Gayunman, nang nasa loob na ng bahay ang bata, sinimulan na siyang molestiyahin at paghihipuan sa maselang parte ng katawan ng matanda habang binubulungan ng mga malalaswang salita.

Sa kabila ng nadaramang takot, hindi pinanghinaan ng loob ang bata at nagpumiglas ito hanggang sa magawang makatakbo palabas ng bahay at agad na nagsumbong sa kanyang pamilya.

Kaagad namang humingi ng tulong ang pamilya ng biktima sa Valenzuela police na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.