SA kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki kabilang ang isang lolo nang maaktuhan naglalaro ng ilegal na sugal at makuhanan pa ng baril ang isa sa kanila sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, kinilala ni Karuhatan Police Sub-Station 9 Commander P/Capt. Joan De Leon ang naarestong mga suspek na sina alyas “Robert”, 25, at alyas “Rico”, 60, kapwa residente ng Brgy., Karuhatan.
Ani Capt. De Leon, habang nagsasagawa ng anti-criminality operation Oplan Galugad ang kanyang mga tauhan sa kahabaan ng Padrigal St., Area 6, Brgy., Karuhatan nang maaktuhan nila ang mga suspek na naglalaro ng sugal umano ng ‘cara y cruz’ dakong ala-1 ng madaling araw.
Kaagad nilapitan nina PCpl Melvin Unciano at PCpl Jerome Siquig ang dalawa sabay nagpakilala bilang mga pulis bago inaresto ang mga suspek at nakumpiska nila sa mga ito ang P340 bet money at pangara.
Nang kapkapan, nakuha ni PCpl Unciano kay ‘Robert’ ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala at nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng naturang baril ay walang naipakita ang suspek.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 o ang Anti-illegal Gambling Law habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Regulation Act ang kakaharapin pa ni ‘Robert’. (JUVY LUCERO)
