Inilagay sa alarm status ng Land Transportation Office (LTO) ang isang Toyota Land Cruiser SUV matapos itong masangkot sa banggaan na ikinasugat ng isang motorcycle rider sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na habulin at papanagutin ang mga abusadong motorista.
“We already identified the registered owner of the Land Cruiser and we already issued a show cause order,” pahayag ni Mendoza. “Tinitingnan pa kung siya rin ang nagmamaneho ng sasakyan noong mangyari ang insidente.”
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente noong Hulyo 11 sa tapat ng UP Technohub sa Commonwealth Avenue. Sa halip na tulungan ang nasugatang rider, tumakas ang driver ng SUV at iniwan ang biktima. Tinulungan na lamang ito ng mga motorista at bystanders bago dinala sa pinakamalapit na ospital.
Ang nasabing SUV na may plakang NAJ 9218 ay inilagay sa alarm list ng LTO upang pigilan ang anumang transaksyon habang isinasagawa ang imbestigasyon, at mapilitang humarap ang may-ari at driver.
Naglabas din ng show cause order ang LTO Intelligence and Investigation Division na pinirmahan ni Chief Renante Melitante, na nag-uutos sa may-ari at driver ng SUV na humarap sa Agosto 7, 2025 (Huwebes), ganap na 10:00 ng umaga sa tanggapan ng LTO sa East Avenue.
Dapat nilang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat panagutin sa reckless driving, paglabag sa Section 55 ng R.A. 4136 o Duty of Driver in case of Accident, at kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang lisensya sa ilalim ng Section 27 (a) ng nasabing batas para sa pagiging “improper person to operate a motor vehicle.”
Kapag napatunayan kung sino ang tunay na nagmamaneho ng Land Cruiser sa oras ng aksidente, agad na isasailalim sa 90-araw na license suspension, ayon kay Asec. Mendoza.
“Panahon na para patunayang hindi puwedeng balewalain ang buhay at kaligtasan ng kapwa natin motorista,” giit pa ng LTO chief.
