Pormal nang sinampahan ng Quezon City Police District (QCPD) ng mga kasong kriminal ang isang 56-anyos na lalaki matapos nitong atakihin, murahin, at pagbantaang papatayin ang isang Assistant Secretary ng Land Transportation Office (LTO) sa loob mismo ng tanggapan nito sa Quezon City.
Kinilala ni QCPD Director PBGEN Randy Glenn Silvio ang suspek na si alyas “Ramil,” residente ng Brgy. Kaligayahan, Quezon City. Nahaharap ito sa mga reklamong Direct Assault at Grave Oral Defamation.
Ayon sa ulat ni PLTCOL Aljun Belista, hepe ng Kamuning Police Station (PS 10), naganap ang insidente bandang alas-2:45 ng hapon noong Hunyo 29, 2026, sa loob ng tanggapan ni LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao sa LTO Main Office, East Avenue, Brgy. Pinyahan.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagtungo ang suspek bilang bisita sa opisina ni Usec. Lacanilao. Gayunman, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawa habang nag-uusap.
Dito na umano nag-iskandalo ang suspek, kung saan pinagmumura nito ang opisyal, nagpakita ng agresibong kilos, at pinagbantaan ang Assistant Secretary sa harap mismo ng mga empleyado ng LTO at iba pang mga saksi.
Agad namang umawat ang mga tauhan ng LTO at humingi ng saklolo sa mga pulis ng PS 10 na mabilis na rumesponde at nag-aresto sa nagwawalang suspek.
Matapos maihain ang mga kaukulang sakdal, pansamantalang nakalaya ang suspek matapos maglagak ng piyansa para sa kaniyang kalayaan habang gumugulong ang paglilitis.
Itinakda naman ng korte ang kaniyang arraignment o pagbasa ng sakdal sa darating na Agosto 10, 2026.
“Walang lugar sa ating mga institusyon ng gobyerno ang karahasan, pananakot, at mga gawaing nambubulahaw sa maayos na pagtupad ng tungkulin ng mga opisyal. Nananatiling matatag ang QCPD sa pagprotekta sa mga lingkod-bayan, pagpapanatili ng kapayapaan, at pagtiyak na ang sinumang lumabag sa batas ay mananagot, anuman ang kanilang katayuan sa lipunan,” pahayag ni PBGEN Silvio.
