Hayagang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas makabubuti kung personal na dadalo si Bise Presidente Sara Duterte sa kaniyang impeachment trial sa Senado upang direktang masagot ang mga seryosong akusasyon laban sa kaniya.
Sa isang press conference bago magtapos ang kaniyang opisyal na bisita sa Canada nitong Linggo (oras sa Pilipinas), Hulyo 5, binigyang-diin ng Pangulo na bagamat nakadepende ang desisyon sa legal team ng Bise Presidente, mas madaling “madidiskubre ang katotohanan” kung magsasalita ang akusado nang walang tagapamagitan.
“Siyempre, mas madaling makuha ang pinakailalim ng lahat ng ito (get to the bottom of everything) kung makakausap mo nang direkta ang akusado. At ang akusado ay makakasagot nang direkta, hindi sa pamamagitan ng mga secondary channels, hindi sa pamamagitan ng mga abogado,” pahayag ni Marcos.
Ibinahagi rin ni Marcos ang kaniyang personal na pananaw base sa kaniyang karanasan bilang dating senator-judge noong 2012 impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Aniya, kung siya ang nasa sitwasyon ni Duterte, hihilingin niya sa kaniyang mga abogado na hayaan siyang humarap sa Senado.
“Kung ilalagay ko lang ang sarili ko sa posisyong iyon… Malamang, kung ako ang inaakusahan, ipapilit ko pa rin (ang pagharap) kahit payuhan ako ng mga abogado na huwag sumipot,” wika ng Pangulo. “Dahil kaya ko naman sagutin, sige, sagutin natin.”
Nilinaw naman ni PBBM na ito ay kaniyang personal na opinyon lamang at hindi isang legal na posisyon, habang pinapanatili ang kaniyang paninindigan na hindi makikialam ang Ehekutibo sa hiwalay na proseso ng Lehislatura.
Nakatakdang magbukas ang impeachment trial sa Senado ngayong Lunes, Hulyo 6, matapos maipadala ng Kamara ang apat na Articles of Impeachment laban kay Duterte noong Mayo.
Kabilang sa mga seryosong reklamong kinakaharap ng Bise Presidente ang umano’y iregularidad sa paggasta ng P612.5 milyong pondo sa OVP at DepEd (Misuse of Confidential Funds), hindi tugmang deklarasyon sa kaniyang SALN (Unexplained Wealth), pangsuhol o bribery, at ang umano’y pagbabanta sa buhay nina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez (Grave Threats).
Mariin namang itinatanggi ni VP Sara at ng kaniyang kampo ang lahat ng naturang mga paratang. May kabuuang 92 araw ang itinalaga ng Senado para sa takbo ng maratong paglilitis
