May 13, 2024

Suspek may galit sa ina ng bata | NENE HINALAY BAGO PINATAY NG KAPITBAHAY

TADTAD ng saksak nang matagpuan ng kanyang ina ang isang 14-anyos na nene na pinaniniwalaang hinalay bago pinatay sa Caloocan City, Martes ng gabi.

Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang inang si Mary Jean Teria matapos matagpuan ang walang buhay na katawan ng anak na si Garlene Teria, Grade 8 student, sa loob ng kanilang bahay sa Pangarap Villange, Brgy. 192, North Caloocan nang umuwi ang ginang galing sa trabaho alas-6 ng gabi.

Duguang nakadapa sa kama at nakagapos sa likod ang kamay nang matagpuan ang bangkay ng nene na wala ng underwear.

Ayon kay Mary Jean, ilang metro bago makarating sa bahay ay napuna niya ang kapitbahay na si Diomedes Llamez na lumabas ng kanilang bahay na duguan ang kamay at kamiseta at nagkukumahog na tumakas nang makita siya.

Dagdag pa ng ina ng biktima, bago ang pamamaslang ay malimit silang magtalo ni Llamez hanggang sa ipatawag sila sa tanggapan ng barangay.

Inilahad din ni ni Mary Jean na nagpakilala si Llamez bilang katiwala ng lupa kung saan sila kapwa nakatira, at gusto nitong palayasin ang pamilya Teria sa lugar ngunit tumanggi si Mary Jean dahil nakatira na sila sa nasabing lugar bago pa man dumating si Llamez.

Noong Linggo ng gabi, habang nakikipag-usap sa loob ng kanilang bahay, nakita umano ni Mary Jean si Llamez na nakasilip sa kanilang bintana at pinakikinggan ang usapan kaya’t kinompronta niya ito at muli silang nagtalo.

Nang puntahan ng mga pulis ang tahanan ni Llamez ay abandonado na ang bahay at wala na pati ang pamilya ng suspek kaya’t naglunsad ang pulisya ng manhunt operation.

Hinihintay ng mga imbestigador ang resulta ng awtopsya sa bangkay ng biktima upang malaman kung ginahasa ito.