Muling magpapakitang-gilas ang men’s volleyball sa bansa sa pagbubukas ng Spikers’ Turf Open Conference ngayong darating na Miyerkules, February 25.
Sa kabila ng mga hamon nitong nakaraang offseason, kabilang ang pag-alis ng nine-time champion na Cignal, nananatiling matatag ang liga upang itaguyod ang talento ng mga barakong manlalaro sa Pilipinas.
Anim na koponan ang magbabakbakan para sa korona kung saan pangungunahan ng Criss Cross ang listahan sa kanilang paghahanap ng ikalawang titulo. Makakasama nila sa kompetisyon ang Savouge, Alpha Insurance, VNS, ang nagbabalik na squad na 3B Event Masters, at ang bagitong koponan na AEP Cabstars.
Ayon kay Tournament Director Mozzy Ravena, ang pagpapatuloy ng liga ay patunay ng tibay ng men’s volleyball sa bansa, lalo na’t tumaas ang interes ng publiko matapos ang matagumpay na hosting ng Pilipinas sa 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship.
Layunin ng Sports Vision management na tularan ang tagumpay ng PVL sa panig ng kababaihan upang maiangat din ang popularidad at kalidad ng laro sa kalalakihan.
Binigyang-diin ni Ravena na malaki ang papel ng mga fans at sponsors upang tuluyang makasabay ang Spikers’ Turf sa kasikatan ng women’s volleyball, lalo’t bawat season ay mas tumitindi ang antas ng kompetisyon sa liga.
Nagpahayag din ng suporta si League President Alyssa Valdez, na naniniwalang karapat-dapat ang mga male players sa parehong atensyon at suporta na tinatamasa ng mga kababaihan.
Pinuri ng “Phenom” ang katatagan at dedikasyon ng mga manlalaro sa kabila ng mga pagsubok, at tiniyak na mananatiling plataporma ang Spikers’ Turf upang ipakita ang husay ng mga Pilipino sa volleyball, hindi lang sa lokal kundi pati na sa international stage.
