Balik-teleserye ang beteranang aktres na si Snooky Serna sa GMA Afternoon Prime drama na My Father’s Wife, na napapanood tuwing weekdays sa ganap na 2:45 PM.
Ngunit higit pa sa kanyang pagbabalik sa telebisyon, muling umalingawngaw ang boses ni Snooky—ngayon bilang isang artistang nagsusulong ng mas makabuluhang pananaw sa industriya.
Sa kanyang panayam kamakailan sa Fast Talk with Boy Abunda, tapat at buong paniniwala niyang ibinahagi ang kanyang obserbasyon sa showbiz—lalo na sa pagtrato sa kagandahan kumpara sa talento.
“Mas nabibigyan ng halaga ang ganda kaysa sa talento,” ani Snooky.
“I feel that ganda is nabibigyan ng more attention or more focus, more importance than talent, in my opinion. Mas nabibigyan ng kahalagahan ang physical appearance. Iyong talent will come much later on.”
Ayon sa 59-anyos na aktres, hindi niya ito sinasabi bilang pagpuna kundi bilang isang pananaw na hinubog ng kanyang mahigit limang dekada sa industriya ng aliwan. Aniya, oras na para unahin ang talento kaysa sa pisikal na anyo.
“Sana iyong talent muna ang tingnan. Iyong kagandahan, darating din iyan. Ma-i-improve na iyan as time goes by.”
Ang mga pahayag ni Snooky ay tumanggap ng positibong tugon mula sa publiko, lalo na sa mga tagasubaybay ng showbiz na matagal nang umaasang mas mabigyang-halaga ang husay kaysa hitsura.
Habang patuloy siyang umaarte sa harap ng kamera, nagsisilbi rin siyang gabay at inspirasyon para sa mga batang artista — isang paalala na ang tunay na kagandahan sa industriya ay nagmumula sa galing, dedikasyon, at puso.
