NANAWAGAN ang Chairman Emeritus ng apat na advocay group sa kagawaran ng Department of Justice (DOJ) at Department of Interior and Local Government ( DILG) na magsagawa ng malalalimang imbestigasyon at alamin kung sino ang mga taong nasa likod ng nagpakalat ng mga maling impormasyon laban kay First Lady Liza Araneta Marcos.
Sa pahayag ni Dr. Jose Antonio Ejercito Goitia, Ph.D., Chairman Emeritus ng People Alliance for democracy and Reform (PADER), Alyansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Indipendencia Pilipinas (LIPI) at Filipinos Do Not Yield (FDNY- Movement), ang kanyang panawagan ay bunsod sa isang pekeng police blotter na lumabas online, na nag-uugnay sa kanya sa pagkamatay ni Paolo Tantoco.
“Bilang isang taong nakasaksi sa kanyang totoong dedikasyon sa bansa at sa kanyang hindi natitinag na malasakit sa kabila ng samut-saring pang-iinsulto at panggigipit, labis akong nabalisa kaya napilitang magsalita,” saad ni Goitia.
Ayon kay Goitia, ang nasabing blotter na kumalat ay pinabulaanan na umano ng Konsulado ng Pilipinas sa Los Angeles at maging ng Malacañang.
“Wala itong sa mga opisyal na pagkakakilanlan o tanda ng isang tunay na dokumento mula sa Estados Unidos. Ito ay gawa-gawa lamang na idinisenyo upang iligaw ang publiko,” saad ni Goitia patungkol sa nasabing police blotter.
“Tama, nasa Estados Unidos siya noon pero wala siyang kinalaman sa pagpanaw ni Paolo Tantoco. Pawang kasinungalinan lamang na ginagamit upang magdulot ng galit at pagkalito,” dagdag pa ni Goitia.
Ayon pa kay Goitia, mananagot umano ang mga nasa likod ng smear job na ito hindi lang legal, kundi sa mata ng mga taong nagmamalasakit pa rin umano sa katotohanan.
Giit ni Goitia, may mga batas umano na nakatakda upang harapin ang malisyosong pag-uugali. Isa sa mga kasong posibleng isampa sa responsable sa pagpapakalat ng maling isyu ay Cyber Libel (RA 10175) para panagutin ang mga tao sa online na paninirang-puri, Falsification of Public Documents (Article 171 Revised Penal Code), at Safe Spaces Act (RA 11313) na nagpoprotekta sa kababaihan, kabilang ang mga naglilingkod sa bayan.
Aniya, makakatulong ang International Cooperation na kinasasangkutan ng mga ahensya tulad ng Beverly Hills Police Department at Embahada ng Estados Unidos na masubaybayan kung sino ang gumawa at nagkalat ng pekeng blotter.
Nanawagan naman si Goitia sa mga Pilipino na huwag madaljng magpaloko. Aniya, mag-isip at maging mapanuri, magtanong, at huwag hayaang hubugin ng kasinungalingan ang ating pang-unawa.
Nagpahayag naman ng suporta si Goitia sa unang ginang.
“At kay First Lady Liza Araneta Marcos, hindi ka nag-iisa. Nakikita ng marami sa amin ang gawaing ginagawa mo at ang biyayang haharapin mo sa kabila ng lahat ng ingay na ito na yumuyurak sa iyong pagkatao Tumayo kami at patuloy na tatayo kasama mo,” ani Goitia.
