May 16, 2024

SEKYU PINAGSASAKSAK NG 2 KAINUMAN

Nasa kritikal na kondisyon ang isang security guard matapos pagsasaksakin ng dalawang factory workers makaraan ang mainitang pagtatalo habang nag-iinuman sa Navotas city, kahapon ng madaling araw.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Navotas City Hospital sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang si Kevin Navarro, 28 ng 290 Magat Salamat St. Brgy. Daanghari.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, kaagad namang naaresto ng mga tauhan ng San Roque Police Sub-Station 2 sa pangunguna ni P/EMSgt. Elizardo Oriendo sa follow-up operation ang mga suspek na sina Wilmar Casipit, 22 ng 497 Gov. A. Pascual St. Brgy. Daang Hari at Ricardo Eballar, 18 ng Estrella St. Brgy. East Navotas.

Sinabi ni Col. Balasabas, bago naganap ang insidente, nagkaroon ng inuman ang biktima at mga suspek sa Magat Salamat St. malapit sa bahay ni Navarro.

Dakong 3:30 ng madaling araw nang magkaroon ng argumento sa pagitan ng biktima at mga suspek kung saan sa kainitan ng kanilang pagtatalo ay naglabas ng patalim si Eballar at Casipit saka pinagtulungan pagsasaksakin sa katawan si Navarro. Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ng kanyang kapatid ang biktima sa naturang pagamutan.