May 13, 2024

Security guard binaril sa Malabon, grabe!

Isang security guard ang nasa malubhang kalagayan matapos barilin ng hindi kilalang suspek makaraang komprontahin nito ang biktima sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang braso na tumagos sa katawan ang biktimang si Ronnie Fernandez, 27  ng Blk 48, Lot 31 Phase 3 Pampano St. Brgy. Longos.

Sa imbestigasyon nina PMSg Julius Mabasa at PSSg Ernie Baroy, dakong 3:30 ng madaling araw, galing ang biktima sa kalapit na tindahan upang bumili ng sigarilyo at nang iparada niya ang kanyang motorsiklo sa basketball court ay nilapitan siya ng suspek saka sinabihan “May problema ka ba, ang angas mo ah”.

Hindi siya pinansin ng biktima na bumaba ng motorsiklo subalit, nang papunta na ito sa kanyang boarding house ay binaril siya ng suspek bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon.

Humingi naman ng tulong ang biktima sa kanyang mga kapitbahay saka inireport ang insidente sa Sub-Station 5 bago siya dinala sa naturang pagamutan.

Ipinag-utos na ni Malabon police chief Col. Angela Rejano sa kanyang mga tauhan ang follow up imbestigasyon sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek.