ARESTADO ang 15-katao, kabilang ang pitong babae matapos salakayin ng pulisya ang patagong paglalagay ng sugal na sakla sa Caloocan City, Sabado ng gabi.
Parang mga daga na kanya-kanyang pulasan ng takbo ang mga nahuhumaling sa naturang sugal nang dumating ang mga tauhan ng Caloocan Police Intelligence Section sa DM Compound Brgy. 73 dakong alas-7:30 ng gabi at inabutan ang pagkukumpulan ng mahigit 50-katao na tumataya sa sugal na sakla nang hindi alintana ang panganib ng hawahan ng nakamamatay na sakit na COVID-19.
Bago isagawa ang pagsalakay, nakatanggap ng impormasyon si P/Maj. Raymond Nicolas, hepe ng Intelligence Secion ng Caloocan police hinggil sa umano’y gabi-gabing paglalaro ng sugal na sakla sa naturang compound.
Kaagad na bumuo ng isang team si Maj. Nicolas na pinamunuan ni P/SSgt. Jimcel Romano at tinungo ang nasabing lugar kung saan inabutan nila ang kumpol-kumpol na taong nagsisiksikan sa isang mesa para tumaya sa naturang sugal.
Nang matunugan ang pagdating ng kapulisan, kanya-kanya ng pulasan ang mga sugarol hanggang sa madakip ang 15-katao, kabilang ang pitong kababaihan.
Nakumpiska ng pulisya mga gamit sa naturang sugal kabilang ang baraha, dehados, saka, papelitos, pati na ang P7,000.00 taya.
Bigo namang matukoy ng pulisya kung sino ang pasimuno sa naturang sugal na mahigpit na ipinagbabawal, hindi lang dahil sa pagiging illegal, kundi isa rin itong panganib sa posibleng pagkakahawahan ng nakamamatay na sakit.
Napag-alaman na bago pa man pumutok ang pandemya ng COVID-19, pinapahintulutan sa Caloocan City ang sugal na sakla sa mga burol ng patay upang makatulong sa gastusing gugugulin ng pamilya ng nasawi.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE