January 24, 2025

‘Sa unang taon sa Kongreso ni Tiangco’ PATULOY ANG PAG-ANGAT NG MGA NAVOTEÑO – TOBY

SA pagdiriwang ng kanyang unang taon bilang kongresista, ibinahagi ni Congressman Toby Tiangco ang mga naisulong niyang batas, panukalang batas, at mga proyekto.

Ayon sa kinatawan ng Navotas City, “TOBY-Continued” pa niyang paiigtingin ang kanyang paglilingkod para sa patuloy na pag-angat ng Navotas, ng buhay ng bawat Navoteño, at ng sambayanang Pilipino.

Siyamnapu’t anim (96) na House Bills, limang (5) resolutions, at dalawang (2) House Bills ang matagumpay na naisabatas ni Congressman Toby Tiangco. Isa sa mga ito ang Republic Act 11934 o “Sim Registration Act” na agad nakapagbaba ng mga insidente ng text scams.

Si Tiangco rin ang pangunahing may-akda ng House Bill 03381 na naglalayong magpatupad ng libreng taunang medikal check-ups sa mga Pilipino. Kung maisasabatas, maaari itong maging daan para maagapan ang mga sakit nang hindi na lumala pa. Malaking tulong din ito sa pagsisiguro sa kalusugan ng mga maralitang Pilipino na hindi nagpapatingin sa doktor dahil kapos sa pera o nagtitipid.

Kasama rin si Congressman Tiangco sa mga nag-akda ng House Bill 07327 o “Institutionalizing the Transition of the Government to E-Governance in the Digital Age”, at House Bill 07325 o “The Magna Carta of Filipino Seafarers”.

Isinulong din niya ang House Bill 02924 o “Additional Benefits to Filipino Centenarians, Recognizing Octogenarians and Nonagenarians”, na kung magiging batas ay magdudulot ng karagdagang benepisyo sa ating mga Senior Citizens gaya ng  Php 25,000 sa mga edad 80, 85, 90 at 95 years old, Php 100,000 sa 100 years old, at 1 MILLION PESOS sa mga aabot ng 101 years old!

Ipinaglaban din ni Congressman Tiangco ang pondo para sa mga serbisyong publiko at patuloy na pag-angat ng Navotas at mga Navoteño gaya ng “Assistance to Individuals in Crisis Situations” o AICS. Sa pakikipagtulugan sa DSWD at sa pamahalaang lokal ng Navotas, 8,914 benipisyaryo ang tumanggap ng kabuuang halagang PHP 40,820,000.

Buhat sa pondo ng TUPAD o “Tulong Panghanapbuhay sa Ating mga Disadvantaged/Workers”, 964 na indibidwal ang nabigyan ng emergency employment mula Hulyo hanggang Disyembre ng 2022. Sa taong ito, mula Enero hanggang Hunyo, karagdagang 4,825 pa ang nabigyan ng trabaho.

Trinabaho din niya ang patuloy na pagpondo sa mga proyektong sinimulan ng dating Congressman at kasalukuyang Mayor ng Navotas sa si John Rey Tiangco gaya ng Navotas Convention Center. Ang pasilidad na ito ay inaasahang maging bulwagan ng malalaking events sa Navotas na maghahatid ng oportunidad para sa trabaho at negosyo. Magkakaroon ito ng standard-sized basketball court na mag-accommodate ng 4,225 katao.

Kasama rin dito ang modernisasyon ng Navotas Polytechnic College para mabigyan ng mas magandang edukasyon ang kabataang Navoteño, mga multi-purpose buildings na may basketball court, at mga school buildings.

Ang pagkontrol ng baha sa Navotas ay isa sa maituturing na on-going legacy ni Congressman Toby Tiangco at kanya ding siniguro ang pondo para sa tuluy-tuloy na improvements sa flood control systems ng lungsod sa pagpapatayo ng additional 17 pumping stations sa iba’t ibang bahagi ng Navotas.

Si Tiangco ay kabilang sa “Top Performing Representatives” sa buong Pilipinas ayon sa isinagawang “Job Performance Survey” ng RP-Mission and Development Foundation. Ayon sa mambabatas, ang tanging maisusukli niya sa tiwala at suporta ng mga nasasakupan ay ang patuloy na pagpapabuti ng kanyang serbisyo sa pag-angat ng Navotas at sa buhay ng bawat Navoteño.