April 25, 2024

Sa Cavite… SANGGOL IPINAGPALIT NI MOMMY SA SHABU

NASAGIP ng mga awtoridad ang isang 6 na buwan na sanggol sa Dasmariñas, Cavite, na umano’y ipinagpalit ng kanyang ina sa shabu.

Itinanggi naman ng ina ang alegasyon ngunit inamin niya na tumatanggap siya ng illegal na droga.

“Parang barter ang dating… marami na tayong nahuli hindi ganoon pero ito iba kasi ‘yung anak niya ang ginamit niya para makakuha ng drugs,” ayon kay Cabuyao Police chief Police Lieutenant Colonel Jack Angog.

Ayon sa report, naaresto ang ina noong Sabado sa isang buy-bust operation.

“Tapos kung magkano man ‘yung kikitain niya du’n, ibabalik niya, ibibigay niya du’n worth the same shabu para makuha niya ulit ‘yung anak niya,” saad ni Angog. “Ang una sinabi niya is kalahating [shabu].”

Inamin naman ng ina ng sanggol na pumupunta siya sa Cavite para kumuha ng illegal na droga. Pero iginiit nito na iniiwan niya lamang ang bata sa kanyang kaibigan.

“Kumuha po ako ng droga na may bitbit akong pera halagang P2,000. P500 ang back and forth ko, ay kinuha ko ng drugs. Bitbit ko ang anak ko dahil gabi na. Kaibigan ko naman ‘yung pinuntahan ko. Sabi niya ‘wag isapalaran ‘yung bata,” paliwanag niya.

Nasa pangangalaga na ngayon ng CSWD ang naturang sanggol.

Reklamong paglabag sa RA 9165 ang inihain laban sa suspek na kasalukuyang nakakulong sa Cabuyao Police Station.