Naniniwala si Senator Robin Padilla na ang pagkaka-detain kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay nagluklok sa kanya sa katayuan bilang isang “pambansang bayani.”
Sa kanyang pagbisita sa The Hague noong Marso 12, binigyang-diin ni Padilla na ang pagkakakulong ng dating lider sa ibang bansa ay nagpatibay sa kanyang imahe bilang isang “legend.”
“Talagang legend na si Digong at itong pagkakakulong niya dito sa ibang bansa, parang sinelyuhan na natin ‘yung pagkabayani niya,” pahayag ng senador.
Ayon kay Padilla, bihira ang ganitong pangyayari sa kasaysayan ng isang tao, at maging ang mga kritiko ng dating pangulo ay nauunawaan ang bigat ng sitwasyon. Iginiit niya na anuman ang panig ng isang Pilipino, ang pagdaan ni Duterte sa paglilitis sa kamay ng mga dayuhan ang nagpatingkad sa kanyang pagkabayani sa mata ng marami.
“Kahit aminin natin at hindi, suportado mo si Digong o hindi, ay ginawa na natin siyang bayani para siya ay dumadaan sa paglilitis ng mga dayuhan. Ginawa na natin siyang bayani,” dagdag pa niya.
Nagpahayag din ng pag-asa ang senador na makauuwi pa ang dating pangulo sa Pilipinas nang buhay. Binanggit ni Padilla na mas nanaisin niyang makitang malampasan ni Duterte ang mga pagsubok na ito upang magkaroon ng kapayapaan at pag-unlad sa bansa.
“Sana lang magsama-sama tayo na dumating ang araw na makauwi din si Digong. Kasi mas maganda ‘yong bayaning buhay. Bayaning namatay, ayaw natin ‘yon,” pagtatapos ng senador.
