Nakababahala ang tila malaking puwang sa pagitan ng mga opisyal na istatistika ng gobyerno at ng realidad na nararamdaman sa sikmura ng masang Pilipino.
Sa huling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Enero 2026, itinala ang bilang ng mga walang trabaho sa 2.96 milyon o 5.8%.
Bagama’t ito na ang pinakamataas na antas sa loob ng mahigit isang taon, lumalabas na pinalalabas pa rin ng gobyerno na “maayos” ang labor market—isang bagay na mariing kinukwestiyon ng think tank na IBON Foundation.
Para sa IBON, ang tunay na bilang ng mga epektibong walang trabaho ay nasa 7.2 milyon. Ang pagkakaibang ito ay hindi lamang simpleng pagkakamali sa pagbibilang; ito ay isyu ng kredibilidad at kung paano binibigyang-kahulugan ng estado ang “trabaho.”
Mukhang pilit na itinatago ng mga opisyal na numero ang malalim na krisis sa paggawa sa pamamagitan ng hindi pagsama sa mga “discouraged workers” o yung mga sumuko na sa paghahanap ng trabaho dahil sa kawalan ng oportunidad, at ang milyun-milyong “unpaid family workers.”
Hindi rin natin pwedeng balewalain ang katotohanan na 71% ng mga may trabaho ay nasa ilalim ng “informal work”—mga trabahong walang kasiguruhan, mababa ang sahod, at walang benepisyo.
Paano natin masasabing malakas ang ekonomiya kung ang mga Pilipino ay napipilitan lamang sa kung anong “raket” ang mahanap dahil sa kakulangan ng de-kalidad na regular na trabaho sa sektor ng manufacturing at agrikultura?
Maging ang mga panlabas na salik ay tila hindi nabibigyan ng sapat na bigat sa pagsusuri ng PSA. Ang patuloy na gulo sa Middle East na nagpapataas sa presyo ng langis, ang pag-usbong ng Artificial Intelligence na unti-unting pumapatay sa mga trabaho sa BPO, at ang kawalan ng seryosong pondo para sa lokal na industriyalisasyon ay mga dambuhalang hamon na hindi kayang solusyunan ng simpleng pag-import ng mga produkto.
Sa halip na pagandahin ang naratibo sa pamamagitan ng mga numerong “minimal” ang dating, dapat harapin ng gobyerno ang realidad: tayo ay nasa ilalim ng isang “jobless growth.”
Lumalago man ang ekonomiya, hindi naman ito nararamdaman ng 7.2 milyong Pilipinong walang maasahang hanapbuhay.
Panahon na para itigil ang pag-aayos ng mga property rules para sa dayuhan at sa halip ay tutukan ang paglikha ng matatag at disenteng trabaho para sa sariling atin. Ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay wala sa porsyento ng PSA, kundi sa dami ng Pilipinong may sapat na kita at hindi kailangang sumuko sa paghahanap ng marangal na buhay.
