Mariing kinondena ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang umano’y maling paggasta ng Office of the Vice President (OVP) sa confidential funds nito para sa mga pansariling okasyon tulad ng Christmas party.
Sa isang press conference nitong Biyernes, Agosto 14, 2026, iginiit ni Ridon na kung gustong mag-happy-happy at bumili ng crispy pata para sa opisina ay sariling pera dapat ang gamitin ng mga opisyal at hindi ang pondo ng gobyerno.
Inihayag ni Ridon na batay sa mga testimonya ng mga auditor ng Commission on Audit (COA) na sina Roderick Wamil at Xylene Del Campo, malinaw na lumabag ang OVP sa Joint Circular 2015-01.
Dahil dito, nagpalabas ang COA ng Notice of Disallowance para sa P73 milyon mula sa P125 milyong confidential funds ng OVP noong 2022 na ginastos sa loob lamang ng 11 araw.
Bukod sa mga party, binigyang-diin din ng prosecutor ang pagsuway sa patakaran nang iabot ang pondo sa mga taong hindi naman kawani ng OVP o DepEd, pati na ang paggamit ng mga kwestyonableng resibo sa ilalim ng mga fictitious na pangalan tulad ng “Mary Grace Piattos.”
Giit ni Ridon, sapat ang mga ebidensyang ito upang patuloy na iutos ng COA ang pagpapasauli ng P73 milyong pondo mula kay Vice President Sara Duterte. (Karlo Garcia)
