Larawan mula sa PNA
Inaasahang tataas ang singil sa kuryente ng mga private utility companies at electric cooperatives ngayong buwan ng Agosto 2026.
Ito’y matapos magtala ng matinding pagtaas sa transmission rates na dulot ng paglobo ng singil sa Ancillary Services (AS).
Batay sa ulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), tumaas ng 30.85% ang AS rate na umabot sa PhP1.0391 bawat kilowatt-hour (kWh) ngayong billing period mula sa PhP0.7941/kWh noong Hunyo.
Dahil dito, ang pangkalahatang average transmission rate na ipapasa sa bill ngayong Agosto ay tumaas ng 22.22% o naging PhP1.7560/kWh mula sa dating PhP1.4367/kWh.
Muli namang iginiit ng NGCP na pass-through charge lamang ang malaking bahagi ng transmission rate at wala silang kitang natatanggap mula sa AS charges.
Paliwanag ng grid operator na ang naturang bayad ay idinidirekta sa mga generation companies at Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) upang mapanatiling matatag at ligtas ang supply ng kuryente sa bansa.
