Posibleng hindi na matuloy ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ngayong Disyembre 2025 matapos ipahiwatig ni Interior Secretary Benhur “Jonvic” Remulla na malapit nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang batas na nagpapaliban ng halalan sa Nobyembre 2026.
Sa panayam ng media sa kanyang pagbisita sa Albay ngayong araw, Hulyo 31, sinabi ni Remulla na mababali ang tatlong taong termino ng kasalukuyang mga barangay at SK officials kung itutuloy ang halalan ngayong taon.
“Gusto nating igalang ang batas. Tatlong taon ang mandato nila, kaya kung Disyembre 2025 ang eleksyon, kulang ‘yan,” ani Remulla.
Naipasa na ng Senado at Kamara ang bicameral conference committee report na nag-uusog ng barangay at SK elections sa 2026. Naiturn-over na rin ang panukala sa Malacañang noong Hulyo 15, at ngayon ay hinihintay na lang kung ito ay pipirmahan ni Marcos Jr. o hahayaan na lamang na maging batas pagkalipas ng 30 araw, o ibe-veto.
Mariing kinuwestiyon ng ilang election watchdogs gaya ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang planong pagpapaliban. Ayon sa grupo, nilalabag nito ang karapatan ng taumbayan na pumili ng kanilang mga lokal na pinuno sa itinakdang panahon.
Hinamon din nila ang gobyerno na igalang ang nauna nang desisyon ng Korte Suprema, na nagsabing ang eleksyon ay hindi maaaring basta-basta i-reset kung walang sapat na basehan.
Pero giit ni Remulla, hindi ito labag sa batas dahil may mga probisyon umano sa nasabing ruling na pinapayagan ang postponement kung may legal na basehan.
Ayon pa kay Remulla, plano rin sa ilalim ng bagong panukala na ang mga barangay officials ay puwedeng tumakbo ng dalawang termino na tig-apat na taon, habang ang mga SK officials ay isang beses lang makapaglilingkod sa loob ng apat na taon.
Hindi pa kumpirmado kung pinirmahan na ni Marcos Jr. ang panukala, pero ayon kay Remulla, malamang na aprubado ito ng Pangulo.
Bumisita si Remulla sa Albay upang makipagpulong kina Governor Noel Rosal at iba pang lokal na opisyal kaugnay ng disaster preparedness.
Nakipagpulong din siya sa mga regional heads ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga attached agencies sa Camp Simeon Ola, Daraga.
