Pitong aplikante para sa posisyon ng Ombudsman ang nakapasok sa shortlist na isinumite ng Judicial and Bar Council (JBC) kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes, ayon kay Supreme Court spokesperson Atty. Camille Ting.
Mula sa 17 indibidwal na nag-apply, narito ang mga napasama sa shortlist:
- Michael Aguinaldo, chairperson, Philippine Competition Commission
- Stephen Cruz, dating Associate Justice, Court of Appeals
- Samuel Gaerlan, Associate Justice, Supreme Court
- Anna Logan, Deputy Executive Secretary for Legal Affairs, Office of the President
- Jesus Crispin Remulla, Secretary of Justice
- Mario Lopez, retired Associate Justice, Supreme Court
- Michael Frederick Musngi, Associate Justice, Sandiganbayan
Ayon sa JBC, si President Marcos ang pipili ng susunod na Ombudsman mula sa listahang ito.
Papalitan ng bagong Ombudsman si Samuel Martires, na natapos ang kanyang pitong taong termino noong Hulyo 27. Ang sinumang mahirang sa posisyon ay magsisilbi rin ng fixed term na pitong taon nang walang reappointment.
Ang Judicial and Bar Council ay binubuo ng Chief Justice bilang ex officio chairman, kasama ang Secretary of Justice, isang kinatawan ng Kongreso, at mga kinatawan mula sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), academe, retired Supreme Court justice, at private sector.
Naganap ang mga interview ng mga aplikante mula Agosto 28 (Huwebes) hanggang Setyembre 2 (Martes).
Ang Office of the Ombudsman ang pangunahing tanggapan na nangunguna sa pagsisiyasat ng mga reklamo laban sa matataas na opisyal ng gobyerno, partikular yaong may kinalaman sa malalaking halaga ng pera, katiwalian, at grave offenses.
