May 19, 2024

REGIONAL MOST WANTED SA CALABARZON MAY KASONG DOUBLE MURDER SUMUKO

CANDELARIA, QUEZON – Sumuko na sa mga awtoridad ang isang suspek na Regional Most Wanted Person sa Calabarzon na may kasong double murder kahapon sa Barangay San. Andres ng nabanggit na bayan.

Ang suspek ay nakilalang si Roger Sanchez Narido, 40 anyos, residente sa kaparehong lugar na kusang loob na sumuko kay Candelaria, Vice Mayor Macario Boongaling.

Ayon kay Quezon Police Provincial Director P/Colonel Ledon D. Monte, si Narido ang isa sa mga suspek na humarang at pumaslang sa mga biktimang sina Antonio Ilagan at Ericksel Canchela, na sakay ng isang motorsiklo noong hapon ng April 24, 2022 sa Purok 6 ng Barangay Mangilag ng naturang bayan at natagpuan sa lugar ng crime scene ang limang piraso ng mga bala ng cal.45 na baril at isang piraso ng bala para sa super cal.38 na baril.

Pansamantalang nasa kustodiya ngayon ng Candelaria Municipal Custodial Facility ang suspek bago litisin sa korte at walang inirekomendang piyansa.

Nagsasagawa na din ng manhunt operation ang mga pulis para madakip ang isa pang kasabwat ng suspek. (KOI HIPOLITO)