
Inaprubahan ni Finance Secretary Ralph G. Recto ang donasyon ng 1,251.68 litro ng kumpiskadong gasolina sa Philippine Coast Guard (PCG) upang suportahan ang mga operasyon nito para sa kaligtasan at seguridad sa karagatan ng bansa.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa smuggling at palakasin ang pambansang seguridad.
“Ang donasyong ito ay hindi lang pagpapakita ng suporta sa sektor ng depensa, kundi malinaw na babala sa mga negosyanteng gumagawa ng iligal na aktibidad — hindi namin palalampasin ang panlalamang,” ayon kay Secretary Recto.
Ang gasolina ay kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) alinsunod sa Section 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), matapos mapatunayang lumabag sa regulasyon sa fuel marking.
Ang fuel marking ay proseso ng paglalagay ng chemical identifier sa mga produktong petrolyo na may bayad na buwis, sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act, upang pigilan ang smuggling ng langis.
Sa ilalim ng Section 1141 ng CMTA, pinapahintulutan ang donasyon ng mga kumpiskadong kalakal sa ibang ahensya ng gobyerno, basta’t may aprubado ng Kalihim ng Pananalapi.
Inaasahang makakatulong ang naturang donasyon sa pagpapatrolya at pagbabantay ng PCG sa mga maritime zones ng Pilipinas.
