
MANILA — Sa gitna ng pagtalakay sa pambansang pondo, iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang pangunahing tungkulin ng pamahalaan na gumastos nang matalino at hindi padalus-dalos.
Ayon kay Recto, habang sinisimulan na ang budget season, dapat ay manatiling nakatuon ang gobyerno sa tapat at maayos na paggasta ng pondo ng bayan.
“Ang pera ng taumbayan ay hindi laruan. Kailangang siguruhin na bawat pisong ilalabas ay may malinaw na direksyon at may balik na pakinabang sa mamamayan,” ani Recto.
Binanggit niya na sa gitna ng mga krisis tulad ng inflation, kakulangan sa serbisyo, at mga proyektong nangangailangan ng pondo, higit kailanman ay kailangang tiyakin na hindi nasasayang ang kaban ng bayan sa mga hindi prayoridad, overpriced na kontrata, o mga proyektong walang saysay.
“Hindi puwedeng ‘bahala na’ o ‘pwede na’ kapag pera ng publiko ang pinag-uusapan. Dapat may disiplina, may plano, at may pananagutan,” dagdag pa ng mambabatas.
Hinikayat din ni Recto ang mga kapwa niya lingkod-bayan na maging masusi sa pagsusuri ng bawat budget proposal ng mga ahensya, at tiyaking may malinaw itong layunin at resulta para sa publiko.
Ang paalala ni Recto ay kasabay ng panawagan para sa mas transparent at accountable na paggamit ng pondo, upang masigurong bawat gastos ay magbubunga ng tunay na pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.
