Pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte ang paglulunsad ng kampanyang kontra human trafficking na may temang “No Room for Human Trafficking in Quezon City: Empowering the Hospitality Industry” nitong Miyerkules, Hulyo 30, 2025, sa M.I.C.E. Center, Quezon City Hall Compound.
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang hotel at accommodation establishments sa lungsod, kasama ang mga civil society at non-government organizations (NGOs), upang pagtibayin ang kanilang suporta laban sa trafficking ng tao.
Ayon kay Mayor Belmonte, mahalagang bahagi ng laban kontra human trafficking ang sektor ng hotel at hospitality industry, kaya’t patuloy ang lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng mga hakbang para palakasin ang kanilang kaalaman at kakayahan upang maiwasan ang paggamit ng mga pasilidad para sa iligal na gawain.
“Ang Quezon City ay hindi magiging pugad ng human trafficking. Sa tulong ng ating mga katuwang sa pribadong sektor at NGOs, magtatagumpay tayo sa laban na ito,” giit ng alkalde.
Layunin ng programa na bigyang-kapangyarihan ang hospitality sector sa pamamagitan ng edukasyon, capacity building, at mahigpit na koordinasyon upang agad na matukoy at maiulat ang mga posibleng kaso ng trafficking.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng lungsod kontra sa lahat ng anyo ng pang-aabuso at pagsasamantala sa tao, alinsunod sa mga umiiral na batas at ordinansa ng Quezon City.
