November 18, 2024

PURONG PINOY COACHES PARA SA POTENSYAL NA HOMEGROWN SWIMMERS

HINDI na kakailanganin pang umasa sa foreign-breed swimmers ang bansa kung matuturuan at mabibigyan ng sapat at tamang kaalaman ang mga lokal coaches na siyang tunay na sandata para  makapagsanay nang mas maraming magagaling na  ‘homegrown’ athletes na mailalaban sa international competition sa hinaharap.

Ayon kay swimming coach at dating National player Marites Espinosa-Escobar ang maibahagi ang kanyang karanasan bilang atleta at kaalaman bilang coach sa iba’t ibang swimming club sa Amerika ang nagtulak sa kanyang magbalik-bayan matapos ang 30 taong paninirahan sa abroad para maisulong ang ‘Trained-the-coach’ program.

“Kapag nakapag-produce tayo nang mahuhusay na coach, walang duda na marami tayong mapro-produce na magagaling na homegrown swimmers na maipagmamalaki nating mailaban sa kompetisyon sa abroad,” sambit ni Espinosa-Escobar, bahagi ng National Team noong dekada 70 sa panahon ng ‘Gintong Alay’

“Very good example natin ang batang ito na si Pia, (Magat) at her young age may nakita tayong potensyal dahil mahusay ang coach na nagturo. Mas mapapataas pa natin ang kalidad nyan kung patuloy ng training hindi lamang ng mga swimmers but also the coaches,” pahayag ni Espinosa-Escobar sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa Malate Manila.

Tinukoy ni Espinosa-Escobar ang bagong ‘swimming wonder na 5-year-old na si Pia Magat na humakot ng pitong gintong medalaya at tinanghal na Most Outstanding Swimmer sa kanyang age category sa Asian Open School Invitational Aquatics Championship kamakailan sa Bangkok, Thailand.

Ang kindergarten student ng St. Joseph School of Novaliches ay miyembro ng Sharkspeedo Swim Club ni coach Bryan Estipona na  nakibahagi sa Swimming League Philippines (SLP) Philippine Team na sumabak sa Thailand meet.

“Nagpapasalamat po ako at nakasali ako sa kompetisyon,” sambit ni Pia.

Personal na nagpahatid ng pasasalamat si Estipona sa SLP na pinamumunuan nina chairman Joan Mojdeh at president Fred Ancheta, gayundin kay coach Espinosa-Escobar na siyang nagsasagawa ng libreng  ‘coaches training’ ng libre para sa programa ng SLP.

“For the past 10 years, nakita ko ang pagpupursihe ng SLP kaya nakibahagi ako sa kanilang programa dahil ang adbokasiya ko ay makatulong sa sports at sa mga batang swimmers na maabot ang kanilang pangarap. Eh, mahirap ito kung hindi sila mabibigyan ng tamang training ng mga coaches na naturuan ng tamang kasanayan bukod sa karanasan,” pahayag ni Espinosa-Escobar, isang Level 5 coach ng American Swimming Coach Association (ASCA).

Bukod sa libreng serbisyo ng pagtuturo, ibinahagi rin ni Espinosa-Escobar ang mga kagamitin, swimming gadgets at apparel na naipon niya sa 30 taong pagtuturo sa US para magamit ng mga batan swimmers na nasa pangangasiwa ng SLP.

“Hindi kailangang gumastos nang sobra sobra para matuto. Syempre kailangan din ng mga coach ang magkaroon ng kabuhayan, but sa mga coach na tulad ng sa SLP na may mga tulong pinansiyal namang ibinibigay, sana ituro natin sa ating mga swimmers ang tamang kaalaman. Alam nyo, mas masarap ang damdamin kung makita mong makangiti ang swimmers mo dahil s ana-beat niya ang kanyng personal best,” pahayag ni Espinosa-Escobar sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission at Behrouz Persian Cuisine.