January 23, 2025

PSC COMMISSIONER, OIC RAMON FERNANDEZ AT ILANG PH ATHLETES, SUMAILALIM SA SWAB TESTING

Pinangunahan ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner at newly appointed Officer-In-Charge Ramon Fernandez ang isinagawang coronavirus disease (Covid-19) swab testing kahapon sa  PhilSports Complex sa Pasig City.

Sinamahan ng kanyang esposang si Karla si Fernandez sa idinaos na aktibidad na inaasahang makukumpleto ang 14-day quarantine habang ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang OIC ng PSC hanggang Hulyo 17.

“We will comply with the standard procedures to ensure that we are helping in curbing the spread of the virus,” pahayag ng tinaguriang “El Presidente”.

Bukod kay Fernandez, sumailalim din sa swab testing ang ilang atleta kabilang ang ilang national boxers sa Baguio City; kabilang sina 2021 Tokyo Olympic qualifier Irish Magno at 2019 AIBA Women’s World champion Nesthy Petecio.

Bukod sa kanila, sampung boxers pa ang sumailalim sa swab testing, kung saan anim rito ang lalaki at apat ang babae. Gayundin ang  isang coach.

Ang mga atletang nanunuluyan sa Philsports na kabilang sa palakasang  boxing at fencing, at para-athletes from athletics, wheelchair basketball, sitting volleyball, table tennis, at chess ay sumasailalim din sa  swab tests.

 “Hindi muna sila pinalalabas ng assigned rooms nila. Until lumabas swab test results nila, hinahatiran sila food,” pahayag ni Philsports Dormitory manager Roselle Destura.

Kung may ipapabili, ipapawithdraw, at ipapadala sa pamilya, pinapaiwan namin sila ng note sa harap ng room nila and then kami na gagawa for them,” aniya.