
PASAY CITY – Muling magsasagupa ang apat sa pinaka-matinding koponan ng PBA habang pormal nang magsisimula ang semifinals ng Season 49 Philippine Cup ngayong Miyerkules, Hunyo 25, sa Mall of Asia Arena.
Sa unang laro sa ganap na 5:00 PM, sasalang ang TNT Tropang Giga laban sa Rain or Shine Elasto Painters, sa ikatlong sunod na pagkakataon na magtatapat sila sa semifinals ngayong season.
Muling nabuhay ang Grand Slam bid ng TNT matapos nitong lagpasan ang twice-to-win disadvantage sa quarterfinals. Ngunit kakaharapin nila ang pamilyar na karibal — ang Rain or Shine — na dati nilang tinalo sa parehong yugto sa nakaraang dalawang conferences.
Ngayong All-Filipino Conference, wala nang import na puwedeng sandigan gaya ng back-to-back Best Import na si Rondae Hollis-Jefferson na siyang naging susi ng TNT sa mga nakaraang panalo. Mas mabigat pa, dagsa ang injury woes ng Tropang Giga — kabilang sina Jayson Castro, Rey Nambatac, Brian Heruela, at Jordan Heading na kasalukuyang nagpapagaling.
“Ang focus talaga namin ngayon ay rest and recovery. Kasi alam namin na lahat ng team ay gutom manalo. Patagalan na lang ito,” pahayag ni TNT coach Chot Reyes.
Sa 7:30 PM naman, magtatapat muli ang matagal nang magkaribal na Barangay Ginebra at San Miguel Beermen. Bagamat hindi umabot sa playoffs ang SMB noong nakaraang conference, muli itong bumangon at asam ang pagbalik sa trono — lalo pa’t Philippine Cup ito, ang conference kung saan tradisyunal na namamayagpag ang Beermen.
“Kapag All-Filipino, ibang klase ang San Miguel. Buo ang laro nila, solid ang chemistry, at halatang motivated sila. Alam naming mahihirapan kami,” pahayag ni Ginebra coach Tim Cone.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ang TNT, Rain or Shine, Ginebra, at San Miguel ang nagsisikip sa Final Four. Sa season-opening Governors’ Cup, pareho ring semifinal matchups ang nakita — at nauwi sa finals showdown sa pagitan ng TNT at Ginebra. Sa Commissioner’s Cup, halos ganito rin maliban sa SMB na napalitan ng NorthPort.
Ngayong All-Filipino, walang imports, walang excuses — purong lakas, diskarte, at determinasyon ang magtatakda kung sino ang uusad patungong finals. RON TOLENTINO