Panahon na para bigyan ng ngipin ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at ibang ahensya ng estado para protektahan ang kabataan sa mga imoral at bawal na palabas, ngayong panahon ng streaming media at online gaming.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Huwebes sa pagsimula ng pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, kung saan tinalakay ang panukalang batas sa pagpapalawig ng kapangyarihan ng MTRCB at pag-regulate ng online games at outdoor media.
“Ang ating pong layunin sa araw na ito ay siguraduhin na mariin at epektibo ang ating patnubay sa mga manunood lalo na sa ating mga kabataang nasa murang edad at bubot pa ang kamalayan, mula sa mga palabas at audio-visual media sa ano mang moda, porma at plataporma,” ani Padilla sa simula ng pagdinig.
Bago niya sinuspindi ang pagdinig Huwebes ng hapon, iginiit din niya na kailangan ng ngipin ang mga ahensyang tulad ng MTRCB laban sa movie piracy.
Pangarap din niya ang hindi pigilin ang mga direktor na palawakin ang kanilang creativity. Dagdag niya, nais niyang dumating ang panahon na ang MTRCB ay hindi na censorship kundi classification body na. “Yan ang isang pangarap natin na mangyari,” aniya.
“Kami pong lahat na taga pelikula na nandidito sa Senado naniniwala po na kailangan madagdagan ang mandato ninyo para labanan po natin itong mga online na ito,” aniya.
Ipinunto ni Padilla na halos 38 taon na mula malikha ang MTRCB, pero napag-iwanan na ito ngayong panahon ng internet at online gaming.
“Nakakalungkot man, napag-iwanan na po ang MTRCB sa pagsasala ng mga naglipanang audio-visual media at content sa makabagong plataporma at moda ng panonood,” aniya.
Ipinunto ni Padilla na hindi censorship ang habol ng pagdinig.
“Uulitin po natin, hindi po censorship ang nais natin. Hindi tayo kalaban ng malaya at malikhaing sining; bagkus, tayo ay kakampi ng matalinong panunuod laban sa hindi katanggap-tanggap na media tulad ng immoral, mahalay, mga paniniwalang laban sa batas at moralidad ng lipunan at syempre pa, ang tampok na ikinababahala ng inyong lingkod — paninira sa reputasyon at dignidad ng ating Inang Bayang Pilipinas,” aniya.
More Stories
P761K droga, nasamsam sa Caloocan buy bust, 3 tiklo
Leader ng “Melor Robbery Gang” na wanted sa Valenzuela, timbog!
VP Sara tinatakasan P612.5-M confidential fund