May 12, 2024

GURO, 1 PA PATAY SA CALOOCAN (Tricycle sinalpok ng SUV na minamaneho ng 18 anyos na estudyante)

PATAY ang dalawang katao, kabilang ang 50-anyos na guro ng pampublikong paaralan, habang dalawa pa ang nasugatan sa naganap na malagim na aksidente sa lansangan sa Caloocan City.

Dead on the spot sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang gurong si Ma. Cecilia Chua, residente ng Tatampal Alley St. Brgy. 16, Caloocan na siyang pasahero ng nasalpok na tricycle na may plakang NE-44287 samantalang namatay naman habang ginagamot sa Caloocan City Medical Center and driver na si Benjamin Lazaro, 65, ng No. 4 Reparo St. Ynchausti Subdivision, Malabon City.

Isinugod din sa naturang pagamutan ang driver ng sumalpok na Nissan Terra (NBS-1299) na si John Usher Dizzle Chua, 18, senior high school at naninirahan sa Dama De Noch St. Araneta Villabe, Potrero, Malabon City, at ang driver ng binangga ring Toyota Innova (NGA-7883) na si Orlando Loquinario, 50 ng 34 Tamaraw Hills, Marulas, Valenzuela City matapos na kapuwa nasugatan sa insidente.

Sa ulat na isinumite ni traffic investigator P/Cpl. Dennis Michael Natividad kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, mabilis na tinatahak ng Nissan Terra na minamaneho ni Chua ang southbound lane ng Gen. Malvar dakong alas-12 ng tanghali nang salpukin ang tricycle na papatawid naman sa pasilangang bahagi ng Tirad Pass sa pagitan ng Brgy. 135 at 136 sa may Potrero, Caloocan City.


Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ng may ilang metro ang pasahero at driver ng tricycle, habang nagtuloy pa rin ang mabilis na takbo ng sasakyan na tumawid pa sa kabilang linya ng kalsada at salpukin naman ang nakaparadang Toyota Innova, sakay si Loquinario, na naghihintay lamang sa pagdating ng asawa.

Sa lakas ng pagkakabangga, umikot-ikot pa ang Toyota Innova na dahilan upang magtamo ng malubhang sugat sa katawan ang driver nito.

Sinabi ni Col. Lacuesta na sasampahan nila ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at multiple damage to properties sa piskalya ng Caloocan ang driver ng Nissan Terra na si Chua. (JUVY LUCERO)