Binigyang-diin ni Senadora Imee Marcos ang kahalagahan ng pagiging propesyonal at maingat ng mga opisyal ng pamahalaan sa paglalabas ng mga pahayag na may kaugnayan sa ugnayang panlabas ng bansa.
Nitong Miyerkules, Enero 28, inihain ng senadora ang Senate Resolution No. 267 na naglalayong paalalahanan ang mga kawani ng gobyerno na magkaroon ng “restraint” o pagtitimpi sa kanilang mga public statements.
Kasabay nito, muling kinilala sa resolusyon ang Department of Foreign Affairs (DFA) bilang pangunahing ahensya na dapat mamuno sa lahat ng diplomatikong pakikipag-ugnayan ng Pilipinas.
Ang hakbang na ito ay bunsod ng mga kamakailang sagutan sa publiko at sa social media sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at Tsina.
Ayon sa resolusyon, ang ganitong mga palitan ng salita ay nagdudulot lamang ng mas matinding tensyon sa West Philippine Sea at nagreresulta sa mga diplomatic protest.
Iginiit ni Marcos na ang anumang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga bansa ay dapat idinadaan sa mga pormal at itinatag na diplomatic channels sa halip na pag-usapan sa harap ng publiko.
Nakasaad sa resolusyon ang panawagan sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na panatilihin ang pagiging maingat sa kanilang pananalita at kilos.
Binigyang-diin din ang mandato ng DFA na i-coordinate ang lahat ng foreign policy sa iba pang mga ahensya upang masiguro ang iisang tinig ng bansa sa pandaigdigang entablado.
Itinalaga naman ang Senate Committee on Foreign Relations bilang pangunahing lupon na magbabantay sa pagpapatupad ng naturang resolusyon.
Ayon kay Marcos, layunin nitong matiyak na ang ugnayang panlabas ng bansa ay naisasagawa nang may disiplina, pagkakaisa, at sapat na espasyo para sa maayos na diplomasya.
