Hayagang binatikos ni suspended Cavite Rep. Kiko Barzaga nitong Miyerkules ang administrasyong Marcos dahil sa umano’y maling paghawak sa foreign policy ng Pilipinas sa China na naglalagay daw sa bansa sa alanganin.
Sa isang pahayag sa Facebook, ikinihalintulad ni Barzaga ang kasalukuyang sitwasyon sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan nakatanggap umano ang bansa ng bilyun-bilyong pisong tulong sa imprastraktura, militar, at medikal mula sa China.
“Sa panahon ni Pangulong Duterte, nakatanggap tayo ng bilyun-bilyong tulong mula sa China. Ngayon, nahaharap tayo sa mga diplomatic protest na maaaring permanenteng pumutol sa ating relasyon. Isa itong kabiguan sa foreign policy ng ating bansa,” ani Barzaga.’Transparency Campaign’ ng PCG
Kasunod ito ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea (WPS) at ang mga online attacks mula sa China laban sa mga opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG), kabilang si Commodore Jay Tarriela.
Agad namang dinala ni Tarriela ang panig ng pamahalaan at nilinaw na hindi nila binabatikos ang China, kundi inilalantad lamang ang umano’y pangbu-bully at agresibong aksyon nito sa mga pinag-aagawang teritoryo.
“Hindi namin binabatikos ang China. Inilalantad lang namin ang kanilang bullying behavior, agresyon, at paglabag sa international law. Iyan ang pangunahing layunin ng aming transparency effort,” pahayag ni Tarriela.
Dagdag pa niya, hindi ang Pilipinas ang nagpapasiklab ng tensyon sa rehiyon.
Binigyang-diin ni Tarriela na layunin ng kanilang kampanya na bigyang-impormasyon ang publiko at hindi ang maghanap ng gulo o armadong bakbakan.
Aniya, suportado nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at National Security Adviser Eduardo Año ang naturang hakbang sa kabila ng mga protesta mula sa Beijing.
Uminit lalo ang diskusyon kamakailan matapos magkaroon ng engkwentro ang PCG at China dahil sa mga caricature ni Chinese President Xi Jinping na ipinakita sa isang lecture para sa mga estudyante tungkol sa isyu ng WPS.
