May 8, 2024

Project safety officer na nasugatan sa Gas explosion sa BGC nasa stable na kalagayan

Nasa stable na condition na ang on-duty project safety officer sa Saint Luke’s Hospital matapos itong masugatan sa nangyaring Gas explosion sa isang construction site sa BGC Taguig City kagabi.

Base sa inisyal report, lumalabas na naganap ang insidente alas-6:00 ng gabi sa isang construction site sa 21st Drive ng naturang lugar.

Nabatid, na aksidenteng natamaan ng isang construction worker ang gas pipe ng itinatayong gusali, dahilan upang sumabog ito, na nagresulta ng pagkalat ng apoy.

Alas-9:35 ng gabi nang idiklara na fire under control ng Taguig City Fire Department ang sunog na umabot lamang sa unang alarma. Pinagpaliban muna ang operasyon sa naturang construction site habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon.-