November 3, 2024

Magtiis at mamaluktot sa kapirasong kumot!

Tiis na naman at mamaluktot sa kapirasong kumot mga Cabalen sapagkat ang dalawang linggo ng MECQ ay hindi biro para sa tulad nating ordinaryong mamamayan.

Bago pa man ianunsiyo ng Malakanyang ang dalawang linggong MECQ sa NCR, kumakabog na ang dibdib ngn mga Pinoy dahil sa takot na mawalan ng hanapbuhay sa mga kailan pa lamang ay nakabalik sa trabaho. Paano ang kikita? Saan kukunin ang kakainin ng pamilya sa loob ng kabuuang 14 araw mga Cabalen.

Para kasi sa ating mga ordinasyong tao sa bansangn ito na umaasa lamang sa kakarampot na suweldo kada- buwan hindi maiiwasan na balutin tayo ng pangamba.

Oo napaka-matiisin nating mmga Pinoy, kaya nating mamaluktot sa kapirasong kumot. Kung ano ang meron pagtitiisan. Nahihirapan na nga nakukuha pang tumawa. Pero hanggang kailan ito mga Cabalen.

Sa aking palagay tayo lamang mga middle class o ang mga sinasabi ng pamahalaang “poorest of the poor” ang nakakaramdam ng mga quarantine na ito. Tama ba ako? Sa aking palagay hindi ito ramdam ng mga mayayaman at mga alta sa siyudad. Bakit kamo? Marami silang naipon. Nakaimbak ang kanilang salapi. Kaya nilang hindi lumabas at mag-utos lamang. Isang tawag lamang sa telepono darating ang kanilang hiling.

Kung naising lumabas, may driver na maghahatid at susundo saan man nila nais magpunta. Subalit tayong mga middle class, dahil walang public transportation, mamamaluktot at mag-aabang kung anong ipamahagi ng pamahalaan. Sapagkat walang masakyan at bawal lumabas.

Sa mga kumokontra sa polisiya ng pamahalaan at ayaw sumunod sila ang mga nagugutom o ayaw magutom. Sapagkat napagod na sa pag-aabang ng ayuda mula sa mga lokal na pamahalaan na kumukha ng kanilang pangalan at pinangakuan ng tulong base sa direktiba ni Pangulong Duterte.

Lugmok na tayo sa hirap di po ba? Pero sa halip na solusuyunan ng kahirapan ng mga Filipino, lalo pang dinadagdagan ng sukdulang kawalanghiyaan ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaang ito.

Sa kabila ng paghihirap na ito ng bawat Filipino, patuloy pa rin ang pananamantala ng mga nakaluklok sa kapangyarihan mga Cabalen.

Tila wala na tayong puntahan. Tila wala nang malapitan. Habang buhay na lamang ba tayong mamamaluktot at magtitiis na mamanahin pa ng ating mga kaapu-apuhan?

Kayo na po ang humusga mga Cabalen. Patuloy po nating hingin ang awa sa Panginoon na sana bigyan ng liwanag ang kaisipan ng mga ganid na sa puder.