Hindi na lamang basta ingay sa kalsada ang naririnig natin ngayon; ito ay isang nagbabagang sentimyento mula sa mga kabataang Gen Z sa buong Asya, kabilang ang Pilipinas.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Willis at Transparency International, ang galit ng kabataan laban sa korapsyon ay isang malakas na puwersang maaaring yumayanig sa estabilidad ng rehiyon kung patuloy na magbibingi-bingihan ang mga nasa kapangyarihan.
Sa Pilipinas, ang pagbaba ng ating ranggo sa 2025 Corruption Perceptions Index (ika-120 sa 182 bansa) ay hindi lamang numero.
Ito ay sumasalamin sa mga “fake flood control projects” at substandard na imprastraktura na kumain ng bilyong pondo habang nalulunod ang mamamayan sa baha. Dito pumapasok ang masakit na realidad: kapag pumalpak ang proyekto, ang mga kontraktor ang ginagawang “sacrificial lamb.” Sila ang itinuturo at kinakasuhan para magmukhang may aksyon ang gobyerno, habang ang mga tunay na nakinabang—ang mga opisyal na kumuha ng “SOP” bago pa man magsimula ang trabaho—ay nananatiling protektado at tahimik.
Ang ganitong bulok na sistema ang dahilan kung bakit ang mga kabataan ay gumagamit na ng digital platforms at social networks upang mag-mobilisa. Gaya ng babala ni Will Miller ng Willis, ang ekonomikong pressure at politikal na hinaing ay magpapatuloy na mitsa ng kaguluhan sa 2026. Kung ang tugon ng pamahalaan ay dahas sa halip na reporma, lalo lamang lalalim ang lamat sa tiwala ng publiko.
Maging sa usapin ng West Philippine Sea, makikita ang kawalan ng pagkakaisa. Habang ang bansa ay nahaharap sa panlabas na banta, ang ating internal na pundasyon ay pinahihina ng korapsyon at “megaphone diplomacy” na walang hatid na sikmura sa mga mangingisda. Ang kailangan natin ay hindi palakasan ng boses sa radyo o pagtuturo ng sisisihin, kundi isang unified approach at tunay na pananagutan.
Ang mensahe ng Transparency International ay malinaw: ang mabuting pamamahala ay pinahihina ng malambot na pagpapatupad ng batas at kawalan ng transparency sa pondo. Hangga’t ang sistema ay nananatiling isang bitag kung saan ang maliliit ay itinatapon sa apoy upang iligtas ang makapangyarihan, hindi matitigil ang poot ng kabataan. Panahon na upang makinig ang mga pinuno. Ang tunay na hustisya ay hindi nakikita sa kung sino ang nakakulong na kontraktor, kundi sa kung sino ang tunay na naglingkod nang walang kinaltas sa pondo ng bayan.
