December 24, 2024

Pondo vs COVID-19 dinambong… DUQUE, LAO PINAKAKASUHAN NG OMBUDSMAN

Pinakakasuhan na ng Office of the Ombudsman sina dating Health Secretary Francisco Duque III at dating Usec. Lloyd Christopher Lao ng Procurement Services ng Department of Budget and Management (DBM) dahil sa umanoy paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kaugnay ito sa umanoy anomalya sa paglilipat ng Department of Health ng 41 billion pesos na pondo sa PS-DBM para sa pagbili ng COVID-19 medical supplies.

Sa apatnapu’t siyam na pahinang resolusyon ng Ombudsman, nakitaan ng sapat na basehan o may probable cause para madiin sa kaso sina Duque at Lao.

Abswelto naman ang iba pang opisyal ng DOH tulad nina Usec. Carolina Taiño, Myrna Cabotahe, Roger Tong-an, Enrique Tayag, at iba pa.

Una nang pinagtibay ng Ombudsman ang naunang desisyon na nagdidiin kay Lao at sa iba pang opisyal ng PS-DBM sa kasong katiwalian dahil naman sa umano’y anomalya sa pagbili ng medical supplies sa Pharmally.